Hindi dahil rice cooker ang tinatawag sa kitchen appliance na ito ay para sa pagluluto lang ng kanin mo ito pwedeng paggamitan. Sa katunayan, ang maliit na appliance na ito ay napakaraming pwede mo pa palang iluto.
Narito ang iilang mga pagkaing maaari mong lutuin gamit ang rice cooker.
1. Hard boiled egg
Kung ang iyong agahan ay nilagang itlog, hindi mo na kailangan pang magpakulo ng seperadong mainit na tubig para dito. Kasabay ng ilulutong kanin sa rice cooker ay maaari mo nang ihulog ang itlog na gusto mong malaga. Pagkaluto ng iyong kanin ay luto na rin ang itlog. O diba? Wala ka nang kailangan pang bantayan.
2. Oatmeal
Mayroong mga instant na oatmeal at mayroon din namang mga niluluto. Ang mga nilulutong oatmeal ay pwede mo nang mailuto gamit ang rice cooker. Ibuhos lamang ang oatmeal at kaunting tubig sa rice cooker. Ihalo kung kinakailangan at hintayin lamang lumambot ang oats at pwede mo na itong ihain at kainin.
3. Soups at stew
Sa oras na wala kang ibang lutuan kung di ang rice cooker, maaari ka ring makapagluto din ng mga soup at stew. Magtakal lamang ng ilang tasang tubig at saka paghalu-haluin ang mga ingredients sa rice cooker pot. Hintayin hanggang uminit at maluto.
4. Steamed vegetables
Ang mga rice cooker kapag binili ay may kasamang steam basket. Habang niluluto ang iyong kanin, maaaring ilagay ang mga gulay na nais mong ma-isteam sa steam basket ng rice cooker. Kapag naluto na ang iyong kanin ay maaari na ring kainin ang mga steamed vegetables. Tipid pa ito sa oras ng pagluluto.
5. Giant pancake
Hindi lamang sa pan mailuluto ang mga hotcake o pancake. Kung ikaw ay nagmamadali, maaaring ibuhos ang pancake mix sa rice cooker at i-set ito sa cook mode. Hintaying maluto. Kapag naluto na ito ay magiging isang malaking pancake ito, maaari mo itong hiwain na lang sa maninipis na piraso.
6. Noodles
Ang teknik na ito ay bentang benta lalo na sa mga college students na nasa dormitoryo na mayroon lamang rice cooker bilang cooking appliance. Maglagay lamang ng tubig sa kaserola ng rice cooker at hintaying kumulo, kapag kumulo ay maaari ng ihulog ng noodles. Hintayin lamang lumambot, alisin ang tubig, at pwede na itong kainin.
Comments
Post a Comment