Ang rice o kanin ang 'staple food' nating mga Pinoy. Sa tuwing tayo ay kakain ng agahan, tanghalian, at hapunan ay a na tayo ay nagkakanin.
Ngunit minsan, kung napapansin ninyo ay napapasobra ang inyong nasasaing kaya naman kung hindi ito agad nakakain ay nasisira at nasasayang na lang ito. Kaya narito ang ilang mga tips na dapat tandaan para hindi mabilis mapanis ang inyong kanin.
1. Tiyaking malinis ang kalderong pang-saing
Bago magsaing ng kanin, siguraduhing dapat malinis ang kalderong pagsasaingan. Minsan, isa sa mga dahilan kung bakit madaling mapanis ang inyong kanin ay dahil hindi nalilinisang mabuti ang kaldero. Maaaring may mga natirang kanin o di kaya ay mayroong sabon na naiwan. Kaya naman kung nais talagang makatiyak na walang mikrobyong naiwan ay pakuluan ito bago gamitin.
2. Tubigan ng tama ang bigas
Isa rin sa mga nakakaapekto sa madaling pagkapanis ng kanin ay ang tubig na inilalagay rito. Makakabuti na kapag luma na ang bigas ay dagdagan ito ng kaunting tubig upang hindi ito madaling tumigas.
3. Hugasan ng maayos
Ilang beses ninyo hinuhugasan ang inyong bigas na sinasaing? Mayroong ilang tao na isa o dalawang beses nilang hinuhugasan ang kanilang sinasaing na bigas. Makakatulong kasi ang maayos na paghuhugas upang matanggal ang mga bukbok o contaminants ng bigas na nakakapagdulot ng mabilis na pagkapanis nito.
4. Iangat ang takip ng kaldero kung malapit ng maluto ang sinaing
Ang pagkakaroon ng sobrang moisture sa loob ng kaldero ay isa ring dahilan kung bakit mabilis mapanis ang sinaing. Upang maiwasan ito, makakabuti kung iangat ng kaunti ang takip ng kaldero kapag malapit ng maluto ang kanin upang maiwasan ang sobrang pagbubuo ng moisture.
5. Lagyan ng kaunting suka
Maaaring nagtataka kayo kung bakit ang ilang mga tao ay nilalagyan ng suka ang kanilang sinasaing na kanin. Ang suka kasi ay may kakayahang mapreserba ang kanin upang hindi ito madaling mapanis. Maaaring maglagay ng isa o dalawang kutsarang suka. Siguraduhin lamang na hindi ito sosobra dahil maaari itong makaapekto sa lasa ng inyong sinaing.
6. Isangag ang tirang kanin
Upang hindi masayang o mapanis lang ang sinaing, isangag na lamang ito para makain pa ito. Igisa ang tirang kanin sa bawang at maaaring lagyan ng kaunting pampalasa tulad ng ham, itlog o hotdog.
7. Ilagay sa ref
Kung mayroong pang natirang kanin sa inyong kaldero, maaari itong itago muna sa ref para hindi ito agad mapanis. Ngunit tiyaking hindi na ito mainit bago ipasok sa ref dahil ang kanin na mayroong moisture ay maaaring maging breeding ground ng bakterya. Ilagay ito sa isang air tight na container o storage. At kung nais na muli itong kainin, ipainit lamang ito. Ngunit amuyin muna at tiyaking hindi pa ito nangangamoy panis.
Thanks sa info
ReplyDeletePaano ba magluto ng sinangag?
ReplyDelete