Kung kilala mo ang cartoon character ng si Popeye ay pamilyar ka rin sa kinakain nito na kanyang pampalakas, ang spinach. Ito ay isang popular na maberdeng gulay na mayaman sa vitamins at minerals na talaga namang nakakapagbigay ng lakas at sustansya sa katawan.
Maaari itong kainin ng hilaw sa mga salads, ngunit maaari rin itong isama sa mga lutuin o igisa. Samantala, narito ang mga magagandang benepisyong makakukuha mo sa pagkain ng spinach.
1. Iniimprove ang paningin
Ang taglay nitong beta-carotene, lutein, at xanthene ay lahat na benepisyal sa paningin. Napag-alaman na ang spinach ay nakakatulong upang maiwasan ang mga kondisyon sa mata tulad ng iritasyon, vitamin A deficiency, at dry eyes.
2. Mine-maintain ang presyon
Ang spinach ay mayroon mataas na content ng potassium at mababang content ng sodium. Ang komposisyon ng mga mineral na ito ay benepisyal sa mga taong may mataas na presyon. Ang folate na matatagpuan dito ay nakakatulong din sa pagpapababa ng high blood sa pamamagitan ng pagrerelax ng mga blood vessels.
3. Pinapalakas ang mga kalamnan
Ang spinach ay mayroong taglay na antioxidant na may importanteng papel sa pagpapalakas at pagpapatibay ng mga muscles partikular ang muscle ng ating puso.
4. Pampatibay ng buto
Ito ay magandang mapagkukunan ng vitamin K, na nakakatulong sa pagpapatibay ng mga buto upang maiwasang madevelop ang osteoporosis. Esensyal din ito sa pagpapanatiling malusog ang mga ngipin at kuko.
5. Pampabilis ng metabolismo
Ang spinach ay nagtataglay ng protina. Ito ay nakakatulong sa growth at muscle development. Ito rin ay nakakapagpabilis sa metabolismo na magandang kainin ng mga taong gustong magbawas ng timbang.
6. Pangiwas sa pagbara ng mga ugat
Ang pigment na lutein na matatagpuan sa spinach ay napag-alamang nakakapagpabawas sa pagbabara ng mga ugat na maaaring magdulot ng atake sa puso at stroke. Sa katunayan, ang pagkain ng spinach ay nakakatulong sa pagpapababa ng kolesterol at fat deposits sa mga ugat.
7. Nakakatulong sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan
Ang spinach ay pagkain na masustansya para sa mga buntis at sa kanilang dinadalang sanggol. Ito ay dahil sa taglay na folate na nakakatulong sa maayos na paglaki ng fetus.
8. Pangbawas sa implamasyon
Ito ay mayroong anti-inflammatory effect na nakakatulong upang maiwasan ang implamasyon sa katawan tulad ng arthritis at gout.
Comments
Post a Comment