Kapag nagbabawas ng timbang, hindi ibig sabihin na kailangan ay pagkagastusan mo ang iyong kinakain. Hindi rin ibig sabihin na huwag ka nang kumain para lamang ikaw ay pumayat. Ang tamang pagdi-diyeta ay pagkain pa rin ng mga masusustansyang pagkain.
Narito ang mga karaniwang pagkain na maaaring kainin kung nais mong mag-diet at magpapayat.
1. Kamote
Ang kamote o sweet potato ay magandang pagkain ng mga nais magpapayat at magbawas ng timbang. Ito kasi ay nutrient-dense at makakatulong na pabusugin ka ng mas matagal na hindi nakakapagpadagdag sa iyong timbang. Marami rin itong taglay na bitamina, fiber at potassium.
Ngunit siguraduhin lamang na kainin ito ng walang halong gatas o asukal.
2. Maberdeng dahon na gulay
Kung nais pumayat, damihan ang pagkain ng maberdeng dahon na gulay. Bukod sa nakakapagpaliit na ito ng waistline dahil mababa sa calories ay mayaman pa ito sa bitamina at mineral. Mas mura na ito, madali pang makakita sa tabi-tabi tulad ng saluyot, talbos ng kamote, kangkong, petchay at iba pa.
3. Canned tuna
Ang isang lata ng tuna ay nagtataglay ng 28g ng protina at 120 calories lamang. Maganda itong source ng lean protein. Ngunit dapat ay moderasyon lamang ang pagkain nito, dahil nagtataglay pa rin ito ng preservatives at asin. Kung nais mo ang mas fresh, ang isda tulad ng bangus at tilapia ay maganda ring alternatibo.
4. Green Tea
Ang green tea ay natuklasan na nakakapagpabilis ng metabolismo na nakakatulong upang masunog ang sobrang taba sa katawan. Ayon sa mga eksperto, ito ay isang healthy drink dahil sa taglay nitong powerful antioxidants. Kaya imbes na mag-kape ay uminom na lamang ng green tea.
5. Oatmeal
Ang oatmeal ay magandang agahan o kaya naman ay snacks dahil bukod sa mababa ang calories nito ay puno pa ito ng fiber at maganda para sa puso. Ngunit pakatatandaan na mas maganda ang oatmeal na puro o walang halong asukal. Kung nais magkaroon ng lasa ay makakabuti kung honey ang idagdag bilang pampalasa.
6. Mansanas
Ang mga mansanas ay mababa sa calories at magandang source ng fiber. Na kung saan napapanatili nitong busog ang iyong katawan at maiiwasan ang over-eating. Nakakapagpabilis rin ito ng metabolismo habang sinusuplayan ang katawan ng mga esensyal na bitamina. Maaari itong kainin sa snacks o kapag nararamdaman ang pagkagutom upang hindi mapakain ng hindi masustansyang pagkain.
Thank you😍
ReplyDelete