Ang isdang “Galunggong” ay isa sa mga popular na isda sa ating bansa. Ito ay madalas nating makita sa mga palengke at sa hapag-kainan ng karamihan sa ating mga kababayan. Mura ang halaga nito kumpara sa ibang klase ng isda kaya naman hindi nakakapagtaka na tangkilikin ito ng masa. Maliban dito, maaari itong lutuin ang isdang Galunggong sa iba’t-ibang putahe kagaya na lamang halimbawa ng pagpapausok dito, prito, inihaw o di kaya naman ay sahog sa sinabawang gulay.
Ngunit alam niyo ba na maraming benepisyo ang hatid ng isdang ito sa ating kalusugan? Narito ang ilan sa mga ito:
1. Pananatiling aktibo ng ating utak
Ang mga isdang kagaya ng Galunggong ay nagtataglay ng omega-3 fatty acids na siyang tumutulong sa pagkakaroon ng DHA o Docosahaexaenoic Acid sa ating utak. Ito ay importanteng sangkap upang maging aktibo ang ating utak at makapag-isip tayo ng maayos.
2. Tulong sa depression at anxiety
Sa dami ng ating mga trabaho sa araw-araw ay hindi maiiwasang magkaranas tayo ng stress na kapag hindi naaagapang solusyunan ay nauuwi sa anxiety at depression. Ayon sa ilang pag-aaral ang pagkain ng mga isda kagaya ng Galunggong na mayaman sa omega-3 fatty acid ay makatutulong upang malunasan ang ganitong uri ng kondisyon.
3. Pagpapalakas ng ating resistensiya
Maliban sa omega-3 fatty acids ay mayaman din sa iba pang bitamina ang isdang Galunggong na tumutulong upang mapalakas pa lalo ang ating resistensiya. Ilan na dito ang bitamina C at copper na siyang panlaban natin sa mga virus.
4. Pagbaba ng cholesterol
Ang isdang Galunggong ay mayaman rin sa tinatawag na ‘fish oil’ na siyang tumutulong sa pagpapababa ng mga LDL ‘bad cholesterol’ sa ating katawan habang sinusuportahan naman ang pagtaas ng tinatawag na HDL o ‘good cholesterol’.
5. Pagpapalakas ng ngipin at buto
Mayaman din sa calcium ang isdang Galungong. Ito ang siyang tumutulong upang mapanatili nating matibay ang ating mga ngipin at buto. Maliban dito, mayroon ding bitamina D ang nasabing isda na siyang tumutulong sa ating katawan upang mas lalo nitong magamit ang bitaminang calcium.
6. Malinaw na mga mata
Hindi lang pagkain ng kalabasas ang nagpapalinaw ng mata kundi gayun din ang pagkain ng isadang Galunggong. Nagtataglay kasi ito ng bitamina A na siyang tumutulong upang maging malinaw ang ating paningin.
7. Pagbaba ng blood sugar
Maaari ring maiwasan ang diabetes kapag kumakain tayo ng isdang Galunggong dahil mayroon itong masustansiyang taba na tinatawag na “monosaturated fatty acids” (MUFA) na siyang tumutulong upang hindi na tumaas pa ang ating blood sugar.
8. Mabuti para sa mga buntis
Ayon sa ilang pag-aaral, mabuti ang isdang Galunggong sa mga nagbubuntis dahil mayroon itong mga bitamina at mineral na kinakailangan ng sanggol para maging malusog ito habang nasa sinapupunan ng kaniyang ina. Ilan na nga sa mga ito ay ang omega-3 fatty acids na siyang tumutulong sa pagbuo ng utak ng bata.
9. Iwas sa kondisyon na Alzheimers
Ang kondisyon na ito ay maaring magdulot sa isang tao upang maging sobrang makakalimutin at madalas itong mangyari sa mga matatanda. Upang maiwasan ang sakit na ito ay mainam na kumain ng mga isdang mayaman sa omega-3 fatty acids kagaya na lamang ng Galunggong. Mahalaga kasi upang mapanatili nating maganda ang kalusugan ng ating utak na siyang nagkokontrol sa halos lahat ng ating ginagawa.
10. Matagal na pagtanda
Ang Galunggong ay nagtataglay din ng amino acid at collagen na siyang tumutulong upang mapabagal ang pagtanda ng ating katawan. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan ang pagkakaroon ng mga kulubot sa ating mukha at ibang parte ng katawan na siyang madalas maging sinyales ng katandaan.
Comments
Post a Comment