Kung ating susuriing maigi, napakaganda ng pagkakalikha ng ating buong katawan. Mayroon itong sariling sistema kung saan gumagawa sila ng naayon sa pagkaka-disenyo sa kanila ng Maylikha. Isang halimbawa na nga dito ang proseso kung papaano nailalabas ng ating katawan ang mga kemikal sa pamamagitan ng ating pag-ihi na ayon sa mga eksperto ay maaari na ring maging batayan para malaman ang ilan sa mga kilalang karamdaman.
Sa artikulong ito alamin natin ang mga dahilan kung bakit may mga pagkakataon na hindi kaaya-aya ang amoy ng ating ihi:
1. Kulang sa pag-inom ng tubig
Payo ng mga eksperto na uminom tayo ng hindi bababa sa walong baso ng tubig kada araw upang mapanatiling maayos ang takbo ng ating katawan. Ayon nga kay Dr. Sherry Ross, isang OB-Gyne, ang hindi wastong pag-inom ng tubig ay nagdudulot ng mabaho at mas madilaw na kulay ng ihi.
2. Madalas na pag-inom ng kape
Ang kape ay isang uri ng inumin na diuretic o yaong mga inumin na nakakaapekto sa normal na pag-ihi ng isang tao at madalas ring nagpapababa ng mineral sa ating katawan. Ayon nga kay Dr. Adam ramin, isang urologist, ang kape ay nag-iiwan ng mga byproducts na siyang nagiging dahilan para magkaroon ng kakaibang amoy ang ating ihi.
3. Pagkakaroon ng diabetes
Ang sakit na diabetes ay hindi kaagad nalalaman ng isang pasyente hanggang hindi pa ito Malala ngunit ayon sa mga eksperto maari mo itong malaman sa pamamagitin ng iyong ihi. Ayon kay Dr. Muhamman Shamin Khan, isang urologist, ang isang ihi na amoy matamis ay maaring sintomas na ikaw ay mayroon ng diabetes kaya mainam na magpasuri kaagad sa eksperto.
4. Pagiging buntis
Ang mga buntis ay madalas na makaranas ng tinatawag na “hormonal imbalance” kung saan nawawala sa normal na ayos ang ilang sistema ng ating katawan. Ito ay maaring magdulot ng mabahong amoy ng ihi lalo na sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis.
5. Pagkakaroon ng STI
Ang STI disease ayon sa mga eksperto ay maaari ring magdulot ng mabahong ihi. Ito ay dahil na rin sa pagkakaroon ng mga parasite sa ating katawan na siyang nagdudulot ng hindi kaaya-ayang amoy at minsan ay masakit na pag-ihi.
6. Maraming iniinom na gamot
Ang mga gamot o bitamina ay nagbibigay din ng kakaibang kulay at amoy sa ating ihi. Ito ay dahil na rin sa mga artificial flavors at kulay ng pambalot sa mga gamot na naiiwan sa loob ng ating katawan. Nililinis ito ng ating sistema at inilalabas sa pamamagitan ng pag-ihi.
7. Pagkakaroon ng UTI
Ang UTI ay madalas na magdulot ng hirap sa pag-ihi ng mga pasyente. Ayon pa kay Dr. Ross, ang mga bacteria sa ating katawan ay siyang nagdudulot para mangamoy ammonia at magkaroon minsan ng dugo ang ating ihi.
8. Pagkain ng mga mga pagkaing may matapang na amoy
Ilan sa mga pagkaing mayroong matapang na amoy ay ang asparagus at ayon nga sa mga pagsusuring ginawa ng mga eksperto, ito ay nagdudulot ng mabahong amoy ng ihi. Maliban dito ang mga pagkaing kagaya ng bawang at sibuyas at curry ay makakaapekto din sa normal na ihi ng isang tao.
Comments
Post a Comment