Ang lagukan o esophagus ay ang tubong nagdurugtong sa ating bibig at tiyan kung saan dumaraan ang ating mga kinakain at iniinom. Ang kombinasyon ng asido at enzymes sa ating tiyan ang tumutulong para matunaw natin ang mga pagkain at nang magamit ito ng ating katawan bilang enerhiya. Kapag ang asidong mula sa tiyan ay bumalik patungo sa ating esophagus, ito ay isang kondisyon na tinatawag na Gastroesophageal Reflux Disease (GERD).
Habang ang tinatawag naman ng ilan na HEARTBURN ay isang sintomas na kaakibat ng GERD kung saan makakaramdam nang pananakit ng lalamunan at dibdib na halos katulad ng pakiramdam kapag ang isang tao ay inaatake sa puso. Ito ay maaaring tumagal ng ilang minuto o ilang oras at karaniwang mas malala pagkatapos kumain.
May ilang mga pagkain, inumin at gamot na maaaring magsanhi ng iritasyon sa tiyan na pwedeng mauwi sa heartburn. Ilan sa mga ito ay:
- Alak
- Inuming may caffeine tulad ng kape at tsaa
- Soft drinks
- Tsokolate
- Mga maasim na pagkain at inumin tulad ng kamatis, katas ng mga citrus na prutas gaya ng kalamansi, lemon, orange atbp.
- Madalas na pag-inom ng Ibuprofen at Naproxen
Ilan pang posibleng sanhi nito ay:
-Paninigarily0
-Stress
-Pagsuot ng masisikip na damit
-Padadalang tao
Mga Sintomas ng Heartburn
Ang pangkaraniwang sintomas ng heart burn ay ang mainit na pakiramdam sa dibdib at lalamunan sanhi ng asidong umakyat mula sa tiyan. Ang iba pang sintomas ay ang mga sumusunod:
- Pananakit na maaaring umabot hanggang sa panga
- Pananakit ng dibdib lalo na habang nakahiga, nakayuko o pagkatapos kumain
- Maasim at masamang lasa sa likod ng lalamunan
- Hirap sa paglunok
- Pakiramdam na animo may nakabara sa dibdib o lalamunan
Mayroon ding operasyon na maaaring isagawa sa mga taong nakakaranas ng matinding acid reflux na pwedeng magsanhi ng pulmonya, mga taong hindi nakakaramdam ng ginhawa sa tulong lamang ng mga gamot at mga taong mayroong GERD na nauwi na sa komplikasyon na tinatawag na Barrett’s esophagus. Ang paraang ito ay depende kung gaano kalala ang kondisyon ng isang tao at ayon sa payo ng mga doktor.
Mga Natural na Paraan upang Malunasan ang Heartburn
Ilang pagbabago sa paraan ng pamumuhay ay makakatulong nang malaki upang maiwasang maranasan ang GERD at heartburn. Ang mga ito ay:
- Pagkain nang tama. Hindi lamang ang mga pagkaing masustansya ang mahalaga kundi pati na rin ang dami at oras ng pagkain. Maigi na kumain nang pakonti-konti lamang kasya sa maramihan na pwedeng makabigla sa ating tiyan. Maipapayo rin na iwasan na ang kumain kapag malapit na ang oras nang pagtulog.
- Iwasan ang kumain nang nakahiga
- Iwasan ang pagbubuhat ng mga bagay na sobrang bigat
- Panatiliin ang tamang timbang ng katawan
- Itigil ang paninigarily0 at pag-inom ng alak
- Regular na pag-e-ehersisyo
- Baking soda. Pwedeng ihalo ang isang kutsarita nito sa isang basong tubig at inumin upang mabawasan ang mainit na pakiramdam sa dibdib at lalamunan kapag nagkaroon ng acid reflux. Hindi ito ipinapayong gawin araw-araw at lumampas sa higit pa sa isang linggo dahil mataas ito sa asin at maaaring magsanhi ng pamamaga at pagsusuka.
- Kumain ng mga prutas tulad ng saging, mansanas, melon at pakwan
- Luya. Maiging ilaga ang ilang hiwa ng luya sa kumukulong tubig sa loob ng 30 minuto at inumin. Makakatulong ito hindi lamang sa GERD kundi sa iba pang mga karamdaman sa tiyan. Mainam na inumin ang tsaa bago kumain upang mas maging epektibo.
- Mustard. Sinasabing ang pagkain ng isang kutsarita nito kapag nakakaramdam na ng mga sintomas ng GERD ay makakapagbigay ng ginhawa.
- Chamomile tea. Ang tsaang ito ay nakakatulong balansehin ang lebel ng asido sa tiyan kaya mainam na inumin ito 30 minuto bago matulog upang makatulog ng mas payapa.
Comments
Post a Comment