Ang mabulang ihi ay maaaring maranasan dahil sa iba’t-ibang rason ngunit pwede rin itong indikasyon o senyales ng pagkakaroon ng karamdaman. Ang presensya ng protina sa ihi ang siyang nagpapabula rito na maaaring nakuha sa pagkunsumo sa mga pagkain na mayaman rito, o kaya naman ay hindi ito nasala nang mabuti ng ating mga bato (kidneys).
Ang kondisyon na ito ay tinatawag na PROTEINURIA. Narito ang ilang dahilan at sanhi ng pagkakaroon ng mabulang ihi:
1.Pagkain ng karne at ibang pagkain na mataas sa protein
Ang pagkunsumo sa karne at iba pang mga pagkain na may mataas na protina ay pwedeng magresulta sa mabulang ihi dahil natural na inilalabas ng kidneys ang mga kalabisang ito.
2. Sobrang produksyon ng protina sa katawan
May mga pagkakataon na ang katawan mismo ang may sanhi ng mabulang ihi dahil labis-labis ang paggawa nito ng protina sa loob kaya naman inilalabas rin nito iyon sa pamamagitan ng pag-ihi. Ibig sabihin ay may posibleng may abnormal na produksyon ng paggawa ng protein sa ating sistema kaya tayo nagkakaranas ng mabulang ihi.
3. Diabetes
Isa sa komplikasyon ng s(a)kit na ito ay ang kidney failure kung saan ang ating mga bato ay hindi na nagagawa nang mabuti ang trabaho nito sa ating katawan. Wala masyadong indikasyon ito ngunit isa sa mga maaaring makatulong upang malaman na ikaw ay may Diabetes ay ang pagsusuri sa iyong ihi. Maaari kayong magpa-lab test at kapag nakitaan ng mataas na lebel ng protina sa ihi ay sunod na susuriin ay ang iyong dugo upang makasiguro sa kalagayan ng kidneys.
4. Altapresyon
Ang mataas na presyon sa dugo ay maaaring makapinsala sa mga blood vessels ng ating kidneys at pwede itong mauwi sa pagkakasira ng mga ito. Sa ganitong sitwasyon, makikitaan ng mabulang ihi ang isang tao, senyales na nagsisimula nang humina ang mga bato nito.
5. Urinary Tract Infection (UTI)
Ang impeksyon sa pantog ay maaaring magsanhi ng problema sa normal na pag-ihi ng taong mayroon nito, at kasama na riyan ang pagkakaroon ng mabulang ihi.
6. Mga gamot na nakaka apekto sa urine ng tao
May mga gamot na pwedeng makaapekto sa itsura ng ihi ng tao, maaari itong magtaglay ng ibang kulay, amoy at posibleng maging mabula. Kaya kung kayo ay mayrong mabulang ihi at kasabay ng pag inom ng gamot, maaari itong side effect lamang ng inyong iniinom.
7. Pagdadalang-tao
Ang pagbabago ng porsyento ng protina sa ihi ng mga babaeng buntis ay normal ngunit ikinakabahala ito kapag labis-labis na pagkakaroon ng mabulang ihi, kaya naman madalas suriin ang kanilang mga ihi sa buong kapanahunan ng kanilang pagbubuntis upang matiyak ang lebel ng protina at ang kalagayan ng bata.
Tandaan:
Alalahanin na hindi sa lahat ng pagkakataon na mapapansing mabula ang ihi ay ibig sabihin na may s(a)kit agad tayo sa bato, maaari ring may nahalo lang na kemikal na panlinis sa banyo kaya sa pag-ihi ay bumula ito, kaya maging mapagmatyag sa sarili at sa kapaligiran. Kung nais makatiyak sa kalagayan ng katawan ay maigi na magpasuri sa mga doktor upang makasiguro kung may dapat mang alalahanin, at kung mayroon man ay maagapan agad ito bago pa lumala.
Comments
Post a Comment