Halos 3.4M na mga Libro na Nagkakahalaga ng Mahigit 113 Milyon, Natagpuang Nakatambak Lamang sa mga Warehouses at Hindi Pala Ito Naipamigay
Kinwestiyon ng Commission on Audit o COA ang Department of Education (DepEd) matapos madiskubre ang sandamakmak na libro at mga materyales na ginagamit sa mga paaralan na nakatambak lamang pala sa mga warehouse nito. Kung susumahin ay aabot sa 113 na milyong piso ang ginastos ng gobyerno para sa mga ito na dapat sana ay napunta sa mga pampublikong paaralan sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Sinasabing naipon ang mga ito mula pa noong taong 2014 at hanggang ngayon nga ay hindi pa rin naipapamahagi sa mga nangangailangan lalo pa at maraming mga eskwelahan ang kulang na kulang sa mga kagamitan, samantalang nabubulok na lamang ang mga ito sa mga warehouse.
Ayon sa annual audit report ng DepEd ay 440, 591 na materyales ang nakuha noong 2014, 1.6 milyon naman noong 2015, 1.2 milyon noong 2016 at 128,111 naman noong taong 2017, kaya umabot ng 113 milyong piso ang halaga ng mga ito. Mula rin sa record ay lumalabas na 15.77 na porsyento lamang ang naipamahagi sa mga ito mula taong 2014 hanggang 2016. Karamihan sa mga ito ay ipinadala upang maging kapalit sa mga nasira o nawalang kagamitan sa mga paaralang apektado at napinsala ng mga nakaraang bagyo.
Pahayag ng mga opisyal ng COA na ang pagkakatambak ng mga libro ay bumabagsak bilang Irregular, Unnecessary, Excessive, Extravagant and Unconscious expenditures o IUEEU. Hinihingan na ng mga ito ang DepEd ng katanggap-tanggap na paliwanag kung bakit hindi pa rin naihahatid ang mga libro sa mga dapat paroonan ng mga ito at na bigyan rin sila ng magandang rason kung bakit hindi nila ito dapat bigyan ng Notice of Disallowance dahil sa nangyaring pagsasayang ng pondo ng gobyerno.
Mula rin sa report na ipinasa ng COA, marami sa mga libro ang nasa hindi magandang kondisyon dahil sa basta-bastang pagkakatambak ng mga ito sa mga sira-sirang warehouse na wala man lang kuryente dahil sa hindi pagbabayad ng bills.
Marumi rin ang lugar, maalikabok at ni walang matinong bentilasyon para man lang maiwasan ang posibleng pagkasunog. Ang masama pa ay dadalawa lamang ang security guards na nagbabantay sa mga lugar at walang tauhan mula mismo sa DepEd ang tumitingin sa mga kagamitan at nagsisigurong malinis at maayos ang kalagayan ng mga ito, kaya naman ang imbentoryo ay paniguradong hindi rin maayos.
Ang naging tugon lamang ng DepEd tungkol rito ay ang pangakong titingnan muli ng mga ito ang mga patnubay na kailangang sundin para sa distribusyon ng mga libro at kagamitan upang hindi na ito mangyari pa sa hinaharap.
Comments
Post a Comment