Marami ang Humanga sa Lalaking Ito sa Pagtulong na Makatawid ang mga Bata Habang Nakasupot ng Plastic Bag Papunta sa Eskwelahan!
Edukasyon ang isa sa mga kayamanang sinasabi ng ilang magulang na siyang tangi nilang pwedeng ipamana sa kanilang mga anak kaya naman kahit mahirap ang buhay at malayo ang paaralan sa kani-kanilang mga bahay ay hindi ito nagiging hadlang para makapasok ang kanilang mga anak.
Sa katunayan, ang ilan pa nga sa kanila ay kinakailangang maglakad ng malayo o di kaya naman ay tumawid ng bundok at ilog para lang marating ang paaralan. At dahil nga panahon na naman ng tag-ulan, mas lalong nagiging mahirap ang kanilang sitwasyon lalo pa at nagiging maputik ang mga daan at nagkakaroon ng baha sa mga ilog.
Kaugnay nito kamakailan lang ay ilang larawan ng isang lalaki ang naging viral sa internet matapos nitong lumangoy sa rumaragasang maputik na baha habang hawak-hawak sa isang kamay ang nylon plastic kung saan nakasilid ang mga batang halos magkanda kuba na sa pagkakabaluktot.
Ang nasabing post ay ibinahagi ni Siakapkeli at nangyari di umano ito sa Huoi Ha village na matatagpuan sa bansang Vietnam. Ayon sa kanya, madalas mangyari ang bagay na ito sa Huoi Ha dahil mabilis tumaas ang tubig sa ilog kapag lumalakas ang ulan.
Mayroon naman daw tulay na maaring gamitin tuwing tag-init at mababaw lang ang tubig sa ilog ngunit hindi na ito epektibo sa panahon ng baha kaya naman napipilitan ang mga magulang na isilid sa nylon plastic ang kanilang mga anak at ipaubaya ito sa isang lalaki na siyang lumalangoy kasama ng mga bata patawid sa halos 20-metrong tubig baha.
Maliban sa delikadong daanan na ito ay nagtitiis din ang mga estudyante sa paglalakad sa maputik na kalsada na aabot sa 15 kilometro ang layo sa kanilang paaralan. Ganito ang araw-araw na sinusuong ng mga bata lalo na kapag buwan ng Hunyo hanggang Oktubre na siyang panahon ng tag-ulan sa bansang Vietnam.
Samantala, umani ang nasabing post ng iba't ibang reaksyon mula sa mga netizen at karamihan sa kanila ay nalungkot sa kailangang pagdaanan ng mga bata para lang makapasok sa paaralan. Ang ilan naman ay nagsabing baka mayroon pa namang ibang paraan maliban sa pagsisilid sa plastic ng mga estudyante na maari pang maging sanhi para sila ay mapahamak.
Nawa ay maaksyunan agad ang ganitong problema ng mga estudyante hindi lamang sa bansang Vietnam kundi gayun na rin sa iba't ibang panig ng mundo dahil lahat ng bata ay may karapatang mag-aral at ang prebelihiyong ito ay dapat maipagkaloob ng gobyerno.
Comments
Post a Comment