Kung gusto mo talagang makatulong sa iyong kapwa, hindi hadlang kung ano man ang iyong estado sa buhay. Mayaman ka man o mahirap, kung gusto mo talagang makatulong sa iyong kapwa ay gagawa at gagawa ka talaga ng paraan.
Hinangaan ang 31 taong gulang na lalaki at ang kanyang pamilya dahil sa pamamahagi ng kanilang mga pananim na gulay sa kanilang mga kabarangay sa Malasiqui, Pangasinan.
Ang lalaki na si Joel Espinoza o mas kilala sa pangalan na "Erning Kalabaw" ay napagpasyahan niya at ng kanyang pamilya na magdonate ng kanilang mga harvest na gulay tulad ng talong sa kanilang komunidad.
Sa katunayan, si Espinoza ay isang buko vendor sa Candon City, Ilocos Sur. Mayroon siya asawa at isang anak. Ang kanyang pamilya ay nasa Barangay Binalay at kinalakihan nila ang pagsasaka katulad ng ibang mga residente doon.
Aniya, napanuod niya ang isang video na tinatawag na "Mayaman Challenge" na kung saan inuudyukan ang mga mayayaman na tumulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis sa ating bansa. Ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon para tulungan ang kanilang mga kababayan na hirap makahanap ng pagkain ngayong panahon ng quarantine.
Mahirap lang daw sila at hindi mayaman, ngunit mayroon kasi sila taniman ng gulay na marami ang sumosobra para sa kanila kaya nais nila itong ipamahagi sa kanilang mga kabarangay na wala ng maulam. Dagdag niya na simula noong lockdown sa kanilang komunidad ay hindi na sila makaalis at wala namang malapit na palengke na pwede nilang mabilhan.
"May mga relief goods pero kulang pa rin po. May mga wala nang maulam," wika ni Espinoza.
Kaya naman inanyayahan niya ang kanyang mga kabarangay na mamitas ng mga gulay ng libre sa kanilang taniman na isa at kalahating hektarya ng lupa.
Dagdag niya na kadalasan raw ay higit na 200 kilo ang naha-harvest nilang talong every other day. At sa loob ng dalawang araw, ang kanilang mga kabarangay ay napitasan na ang kalahating hektarya.
Simula ng mag-viral ang kanyang video tungkol dito ay dumagsa ang mga donasyon mula sa mga OFW sa ibang bansa. At ginamit nila ito upang makabili ng bigas at ipinamahagi rin sa kanilang komunidad.
Sana lahat ay ganito, muli sana nating ibalik ang pagbabayanihan nating mga Pilipino!
Comments
Post a Comment