Hindi natin alam kung hanggang kailan nga ba magkakaroon ng Community Quarantine dahil araw-araw ay padagdag na ng padagdag ang mga taong nagpopositibo sa Covid19. Kaya naman halos hirap tayo ngayon makabangon dahil ang iba sa atin ay sapat lamang ang kinikita para may ipakain sa kanilang pamilya, habang ang iba naman ay kinakailangan pa rin maghanap ng trabaho kahit na delikado para sa kanilang kalusugan para lamang may ipakain sa kanilang pamilya.
Kaya naman nakaisip kami ng paraan upang makatulong ng kaunti at makapag bigay ng ideya para sa mga hirap ngayon sa buhay.
Ang simpleng pagtatanim ng mga patapon na gulay sa inyong bakuran ay isang magandang paraan lalo na ngayon quarantine dahil makakatulong ito lalo na kung wala na kayong pambili ng pagkain. Libre na, masustansiya pa!
Narito ang ilang mga pinakamadaling itanim at mabilis na lumago na mga gulay na maaari ninyong itanim sa inyong bakuran:
1. Okra
Ang Okra ay isa sa pinaka masustansyang gulay dahil naglalaman ito ng Vitamin C at Vitamin K. Isa itong warm-season vegetable kaya mabilis itong tumubo sa ating bansa. Maaari ninyo itong gawing ulam sa pamamagitan ng paglaga nito at pagdagdag bilang isang putahe sa pinakbet.
Kuhanin ang mga buto ng okra at itanim ang kada buto sa ilalim ng lupa. Siguraduhin na may isang pulgada ang lalim nito at 3 inches ang layo ng mga buto. Alagaan ito sa pamamagitan ng pagdilig araw-araw.
2. Malunggay
Isang pinaka masustansyang dahon ay ang Malunggay. Maraming pwedeng gawin sa Malunggay lalo na sa dahon nito dahil pwede itong gawing sahog sa tinola at monggo. Pwede rin gawing ulam ang bunga nito dahil may masarap itong lasa.
Itanim ang isang maliit na sanga ng malunggay kung saan masisiguro na hindi magagalaw ang sanga nito.
3. Petsay
Isa ang Petsay sa pinakamadaling itanim na mga gulay subalit aabot ito ng mahigit 30 na araw kung saan doon pa lamang ito pwedeng anihin.
Sa pagtatanim ng petsay, kinakailangan ng sapat na sinag ng araw dahil mas mabilis tumubo ang mga ito kung mas matagal ang exposure sa araw.
4. Talbos ng Kamote
Ang talbos ng kamote ay maaaring itanim sa isang paso. Kumuha ng ilang pirasong tangkay ng talbos kamote at ibaon ang 1-2 inch na tangkay nito sa paso na may soil.
Aabot lamang ito ng dalawang linggo kung saan magkakaroon na ito ng ma dahon kung araw araw na didiligan.
Ang dahon ng talbos ng kamote ay maaaring ilaga at isama sa sawsawan at pwede rin itong igisa kasama ang sardinas.
5. Talong
Ang Talong ay maaari rin itanim sa isang paso. Ibaon lamang ang tangkay nito ng isang pulagada sa soil at diligan ito araw-araw. Siguraduhin na magkakalayo ang mga tangkay nito upang makatubo ito ng maayos.
Comments
Post a Comment