Lola, Kailangang Sumisid Araw-araw Para Makapulot Ng Barya Para May Pangkain Sila Ng Kanyang Pamilya
Ang bawat barya ay mahalaga, lalo na kung ito lang rin ang bumubuhay sa iyong pamilya. Kaya kahit na anong sakripisyo ay iyong gagawin para lang hindi kumalam ang sikmura ng iyong pamilya.
Kilalanin ang 74 taong gulang na si Lola Maria, kahit na sa kanyang edad ay nakukuha pa niyang humanap ng paraan para lamang kumita ng kakaunting pera. Araw-araw ay kinakailangan niyang sumisid para makapulot ng mga barya sa Dalahican Ferry Terminal sa Lucena, Quezon na itinatapon ng mga nagdaraang turista.
Nakaugalian na kasi ng mga turista na magtapon ng mga barya sa dagat dahil nais nilang makita ang mga natives doon na mag-dive para kumuha ng mga itinatapon na barya. Kaya naman maaga pa lang, ay sumasakay na sa maliit bangka si Lola Maria upang magsagwan papunta doon sa port.
Kung tutuosin, sa edad ni Lola Maria ay mahina na ang kanyang katawan at sana ay nagpapahinga na lamang siya sa bahay ngunit kailangan pa niyang kumayod para lamang kumita ng P100- P200 bawat araw, depende pa ito sa kung magkanong barya ang itatapon ng mga turista. Siya na rin ang pinakamatandang diver na sumisisid pa para sa mga barya.
Alam naman niya sa kanyang sarili na masyado na siyang matanda para gawin ang mapanganib na trabahong ito, ngunit ang kanyang pamilya ay tanging naka-depende rin lang sa kinikita ni Lola Maria sa tuwing sisisid siya sa ilalim ng dagat.
Labis na malaking pagsubok na rin ang kanyang paglangoy dahil malabo na rin ang kanyang mga mata, at ang kanyang munting maliit na bangka na ginagamit upang makapunta sa port ay madalas nang masira dahil marami na itong mga butas.
Noon ay kasama pa niyang mag-dive ang kanyang mister ngunit ngayon ay siya na lamang mag-isa. Pero kapag walang pasok ang kanyang mga apo ay sinasamahan siya. Kaya kung mayroong mga pagkakataon na hindi siya nakakalangoy ay namamalimos na lamang ang kanyang asawa sa kalsada.
Tunay na hinangaan ang katapangan at dedikasyon ni Lola Maria sa kanyang pamilya kaya naman ang kanyang kwento ay na-feature rin sa GMA documentary program na Front Row. Maraming netizens ang naantig sa istorya ng lola at nagsimulang magpaabot ng tulong sa kanya.
Comments
Post a Comment